Latest News


BCES Kindergarten, hataw sa Festival of Talents

posted Nov 26, 2013, 7:59 PM by Roxanne Rueda

Hindi nagpahuli sa pagpapakita ng galing ang ating mga Kindergarten makaraang manalo sila sa Kindergarten Festival of Talents Division Level noong nakaraang Oktubre 30 sa Balanga Elementary School.

Naiuwi ni Dwen Airoh España ang 2nd Place sa Drawing at 3rd Place naman sa Creative Dance ang ating mga Kindergarten dancers na sina Aldrin Lorenz Escudero, James Esmeriz, Dorrel Francisco, Glenn Jairus Mena, carl Anthony Cruz, Dominick Icban, Alyana Sophia Escudero, Keannah Ayesha Javier, Claire Allyson Javier, Cherish Mae Felipe, Julia Venise Espiritu at Zyrelle Nuestro.

              Buong husay na iginuhil ni Dwen ang kanyang drawing na nagpahanga nang husto sa mga hurado habang bibung-bibo namang ipinakita ng ating mga mananayaw sa kasiyahan ng lahat ng naroon.

              “Nakatutuwang tingnan ang mga bata habang sila ay sumasayaw, kitang-kita mo na gusting-gusto nila  ang  kanilang  ginagawa  at  si Dwen Airoh ay napakahusay gumuhit sa kanyang murang edad,” napakasayang pahayag ng ating punung-guro na si G. Ramil R. Cubales.

          “Nakatutuwa na sunud-sunod ang pagwawagi ng ating mga mag-aaral sa paligsahan. Ipinapakita lamang nito ang sigasig ng ating mga gurong tagapagsanay at suporta naman ng mga magulang,” dugtong npa ni Sir Cubales.

          “Dumuble naman ang saya ko ng ang District II (tayo) ang tanghaling Over-All Champion sa paligsahang ito,” pagwawakas pa ni Sir Cubales.

             Sina Gng. Amalia D. Mananquil at Gng. Ruby V. Tirao ang tagapagsanay ng ating mga bulilit. 

Bada at Miravalles, wagi sa DSPC 2013

posted Nov 26, 2013, 7:47 PM by Roxanne Rueda

Nakamit ni Ezra Karl Ezekielle M. Bada, mag-aaral ng V-Macapagal ang ikatlong pwesto sa Pagwawasto at Pag-uulo ng Balita sa nakaraang Division Schools Press Conference noong Oktubre 13 sa Balanga Elementary School.

          Nakatunggali ni Bada ang mga mag-aaral sa pampubliko at pampribadong paaralan sa Lungsod ng Balanga.

          Tunay na ibinuhos ni Ezra ang lahat ng kanyang natutunan mula sa kanyang tagapagsanay na si Gng. Ria C. Subisol at mula din sa speaker/evaluator na si G. Serge Untuca.

          “Gustung-gusto ko talagang manalo. Alam ko na mga Grade VI ang kalaban ko, kaya talagang pinagbuti ko,” wika ni Ezra Bada.

          “S’yempre nagdasal din ako n asana palarin akong manalo,” Masayang dugtong pa niya. 

          Dahil sa pagkapanalong ito susulong si Ezra sa Regional Schools Press Conference (RSPC) na gaganapin sa Fontana Clark Subic, Zambales.

          Nagwagi ding 4th Place sa Pagsulat ng Pangulong Tudling si Cindy Miravalles, mag-aaral ng VI-Earth.

G. Ramil Cubales, bagong punung-guro ng BCES

posted Nov 26, 2013, 7:23 PM by Roxanne Rueda

Mabunying ipinagdiwang ng buong Bo. Central Elementary School ang pagdating ng bagong punong-guro na si G. Ramil R. Cubales noong ika-22 ng Hulyo.

Patunay nito ang masigabong pagsalubong ng mga mag-aaral, guro at maging mga magulang ng ating mga mag-aaral na may hawak pang makukulay na lobo.

          Nagkaroon ng maikling palatuntunan ng pagtanggap kay G. Cubales at pamamaalam naman kay Bb. Ellen C. Macaraeg na napunta naman sa Tenejero Elementary School.

“Ako ay umaasa na magiging maayos at mabunga ang ating magiging pagsasama. Lubos kong ikinatutuwa ang inyong mainit na pagtanggap sa akin,” nasisiyahang pahayag ni G. Ramil Cubales.

Kasabay nang paglipat ni G. Cubales sa ating paaralan ay ang kanyang promotion mula sa Head Teacher III siya ay Principal I na ngayon. 

Dating punung-guro ng Bani Elementary School ang ating bagong lider sa loob ng 2 taon bago nalipat sa Pto. Rivas Elementary School sa loob lamang ng 1 buwan.

 

SBM Evaluation sa BCES sa BES pinaghandaan

posted Nov 26, 2013, 7:08 PM by Roxanne Rueda

Nasiyahan ang mga EPS na sina Dr. Merlinda C. Dominguez, EPS-I sa Mathematics, Division SBM Coordinator, Dr. Flordeliza Del Rosario, EPS-I sa Science and Health, Dr. Corazon T. Lopez, EPS-I sa Filipino, Yolanda V. Pruna, EPS-I sa Araling Panlipunan, Dr. Romy S. Bascara, EPS-I sa EPP ng kanilang bisitahin ang ating

School Based Management Documents nitong Nobyembre 13 sa Audio Visual Room ng ating paaralan.

Masusing binusisi ng ating mga Education Program Supervisor ang mga dokumentong may kaugnayan sa pamamalakad at pamamahala ng ating paaralan. Hindi rin sila nag-atubiling pumuri sa mga kasiya-siyang mga gawain ng ating paaralan.

            Habang binibigyan ng suggestions ang mga gurong namahala sa bawat Dimensions ay mayroong Power Point Presentation na pinanood sa ating mga panauhin kung saan ipinakita ang mga activities ng Paaralan sa loob ng halos tatlong taon na pinagpagurang buuin ng Master Teacher at ICT Coordinator na si Bb. Roxanne Rueda.

“Dito lamang sa Bo.  Central Elementary School may nakalagom na mga Gawain at accomplishment ng paaralan na ipinakita sa paraang Video Presentation,” nasisiyahang wika ni Dr. Corazon T. Lopez, EPS-I sa Filipino at atin ding Area Supervisor.

            “Sana ang aming ibinigay na mungkahi at paalala ay inyong gawin at pag-ukulan ng pansin. Sama-sama tayong itaas ang antas ng mga pampublikong paaralan sa Division of City of Balanga,” pagtatapos naman ni Dr. Merlinda C. Dominguez, EPS-I sa Mathematics at atin ding Division SBM Coordinator.

Si Maranan at ang Bataan Football Club

posted Nov 26, 2013, 6:15 AM by Roxanne Rueda

Di maitatanggi ang pagsikat ng larong football sa ating bansa. Bata man o matanda ay nahuhumaling na sa larong ito. Sinasabing ito ang nararapat na larong ating pagbutihin dahil dito’y di kailangan ang pagiging matangkad basta maliksi kumilos at may wastong kaalaman ukol sa larong ito.

 

Ang Bataan Football Club ay nabuo noong Disyembre 29, 2012, na binubuo ng mga batang lalaking nasa ilalim ng pagsasanay ng kanilang coach na si G. Roger Alegre.

          Isa na nga dito ay ang ating mag-aaral na nasa ikatlong baitang na si Emmanuel Maranan na napili ng kanila mismong tagapagsanay. Sila ay lumalaban sa mga National Competition.

Nito ngang Mayo 5 sila ay naging 4th Placer sa Coca-Cola Cup.

          Naging opisyal na Football team ng ating lungsod ang BFC noong Mayo 27, ng kanilang iturn over ang tropeyo sa ating Punung Lungsod na si Mayor Joet Garcia.

          Sa kasalukuyan ay patuloy silang sumasali sa mga kompetitisyon na tunay na humahasa sa galing ng mga batang miyembro nito.

Dance concert sa kapistahan ng Sto. Niño

posted Nov 26, 2013, 6:08 AM by Roxanne Rueda

    

Isang Dance Concert ang ginanap noong ika-14 ng Enero sa Liwasan ng barangay na pinanood ng napakarami nating ka barangay bilang bahagi ng pagdiriwang ng kapistahan ng Sto. Niño.

           

          Muli na namang ipinakita ng ating mga mag-aaral ang kanilang galing sa pagsayaw sa kasiyahan ng lahat nang nakapanood.

          Itinampok sa nasabing pagdiriwang ang mga makabagong sayaw na buong husay na ipinakita ng ating mga mag-aaral.

          Pinangunahan ng ating Punong Barangay na si Kapitan Ronald N. Caparaz ang pagbati sa bawat isang naging abala upang lubos na mapaganda ang palabas ng gabing iyon.

NAT pinaghandaan sa BCES

posted Nov 26, 2013, 6:00 AM by Roxanne Rueda

Ginanap ang National Achievement Test para sa mag-aaral ng ikaanim na baitang sa mga pampublikong paaralan sa Pilipinas noong ika-13 ng Marso.

 

May 77 mag-aaral mula sa VI-Earth at VI-Mercury sa Bo. Central Elementary School ang nanguha ng nasabing pagsusulit.

Ito ang pangunahing batayan upang sukatin ang pag-unlad ng paaralan sa larangan ng academics.

Nauna na rito ay ang puspusang pagrereview ng mga mag-aaral sa araw-araw makaraan ang oras ng klase sa pangunguna ng mga guro sa ikaanim at ikalimang baitang.

“Sana’y pagbutihin ninyo ang NAT, dahil dito malalaman kung gaano kayo natuto sa elementarya,” paalala pa ng ating punung-guro sa mga mag-aaral.

Brigada Eskwela 2013 tugon sa pangangailangan ng paaralan

posted Nov 26, 2013, 5:54 AM by Roxanne Rueda

 Ang sampung taon ng Brigada Eskwela ay sinimulan sa pamamagitan ng isang Kick-Off Ceremony sa Plaza Mayor de Balanga na dinaluhan ng ating punung-lungsod na si Mayor Joet Garcia, Vice-mayor Noel Valdecañas at ni Konsehal VJ Fernandez, sinundan naman ng foot parade patungo sa Balanga Elementary School.

Ang Brigada Eskwela ay ginanap noong ika-20 hanggang 25 ng Mayo sa lahat ng pampublikong paaralan sa Pilipinas. Ito ay naglalayong matugunan ang mga pangangailangan ng paaralan upang maihanda sa darating na pasukan.

          Dito sa Bo. Central Elementary School ay patuloy na sinusuportahan ng mga magulang, komunidad, pribadong mamamayan at ng mga pangsibikong samahan ang gawaing ito ng paaralan. Patunay ang napakaraming volunteer  na dumadagsa sa araw-araw at ang pagbaha ng donasyon mula sa mga may mabubuting pusong donor.

          Talaga namang ang kanilang 3T’s (Time, Talent at Treasure) ay kanilang taos pusong inihandog para lamang sa mga mag-aaral upang maging kaiga-igaya ang kanilang pag-aaral sa pasukan.

          “Mula po sa aming puso kami po ay lubos na nagpapasalamat sa inyong walang sawang suporta sa mga gawain at pagawain sa paaralan,” nasisiyahang pahayag ni Bb. Ellen C. Macaraeg.

          “Sana’y di kayo magsasawang tumugon sa pangangailangan ng paaralan. Amin namang ipinapangako na gagawin namin ang lahat upang mapabuti ang paaralan, higit sa lahat matuto ang bawat batang inyong ipinagkakatiwala sa paaralang ito,” pagwawakas pa niya.       

 

Mga guro muling namulat sa kanilang tungkulin at pananagutan

posted Nov 26, 2013, 5:48 AM by Roxanne Rueda

 

Ginanap ang One Day Seminar on Redefining the Role of Teachers, Teaching as a Multifaceted Profession sa Diocesan Shrine of the Divine Mercy Hall sa Lungsod ng Balanga noong ika-1 ng Pebrero na dinaluhan ng mga guro.

Pangunahing tagapagsalita si Dr. Corazon Aguilar David na tinalakay ang Child AVEDOV o Abuse, Violence, Exploitation, Discrimination and Other Forms of Abuse. Binigyang diin niya na ‘wag kalimutan ng guro ang Legal Bases ng DEPED Memorandum 40 na nakasaad sa 1987 Phil. Constitution Article    XIV     kung     saan nakalahad  ang karapatan ng mga bata. “Dapat nating alalahanin na ang kabutihan ng mga bata ang ating prayoridad. Tingnan sila tulad sa isang tunay na anak,” pagdidiin pa niya.

            Isa rin sa speaker ay si Dr. Emmanuel C. Macaraeg na University Board Secretary ng Bataan Peninsula State University na tumatak sa mga guro ang salitang kanyang iniwan respeto, pag-unawa at pagtanggap sa bawat isa.

            Ang nasabing seminar ay naging posible sa pangunguna ng ating punung-guro na si Bb. Ellen C. Macaraeg.

                 

            

Pagbabago tungo sa pagkatuto, kaayusan at kalinisan

posted Nov 26, 2013, 5:38 AM by Roxanne Rueda

Kahit saan ka tumingin tunay na mapapahanga ka sa mga makikita mo sa paligid ng ating paaralan. Napakaraming pagbabago na lubos na nagpaganda sa ating paaralan.

////Meron na tayong English at Filipino Park na sa pagpasok pa lamang ng paaralan ay makikita mo ang layunin sa pagtuturo ng mga ito. Nariyan din ang Mini Math Park na ang konsepto naman ng Matematika ang nakapinta. Gayundin ang Science Park na nagpagawang maging kaaya-aya ang nasabing asignatura. Sa pamamagitan ng mga ito naging kasiya-siya sa mga mag-aaral ang pagkatuto ng mga nasabing asignatura. 

Isa rin sa naipagawa ay ang ating Toothbrushing Area na naging tugon ng paaralan sa isa sa pangunahing concern ng Kagawaran ng Edukasyon ngayong taon upang mapabuti ang oral hygiene ng mga mag-aaral.

Nauna na rito ang pagkakaroon natin ng Handwashing Area na malapit sa ating kantina upang makaugalian ang paghuhugas ng kamay bago at matapos kumain.

 Ang lahat ng ito ay naging posible sa mapunyaging pangunguna ng ating punung-guro na si Bb. Ellen C. Macaraeg. “Wala akong nais kundi ang kabutihan ng ating mga mag-aaral. Kaya’t lahat kayo’y umasa na lalo pa nating pagbubutihin ang mga paglilingkod na ibibigay ng paaralan,” wika pa ni Bb.Macaraeg.

“Hinihiling ko lang na ating alagaan at gamitin nang wasto ang mga nasabing lugar. At inaasahan naming kayo ay magmamalasakit,” pagwawakas pa ng ating punung-guro.

 

1-10 of 40